NOONG ANG TSINELAS KO AY SAND BEACH
By Engr. Mark Inhinyero Nodado
Habang mainam kong sinusuri kung anong sapatos ang aking susuotin, ako’y tinamaan ng biglaang pag- alala na pumasok sa aking isip.
Mahirap pumili kung marami kang pagpipilian, pero hindi naman dating ganito.
Naalala ko tuloy noong ang suot kong tsinelas ay iyong sikat na Sand Beach na mabibili sa tindahan ng Php 12.00 lang noon. Bata palang ako. Hndi naman kami mahirap. Pero hindi rin kami mayaman.
Sapat lang.
Suwerte ako at nabibigay nang aking mga magulang lahat ng mga pangangailangan namin noon. Pati ang tsinelas. Minsan makakapagsuot ka pa ng Rambo ang tatak. Mas gusto ko iyon. Hindi dahil sa matibay ito. Ngunit dahil malakas itong pamalo at matigas na pamato sa tetching tsinelas.
Dati nga naman. Masaya ka na kung may Sand Beach ka. Kung swerte ka ibibili ka pa ng sikat na sikat na Beach Walk, na sabi nga ng Papa at mama ko, susuotin lang nila kapag magsisimba o may espesyal na lakad sila.
Marami rin naman gpagtitiis na pinag- daanan ang aming mga magulang para mairaos kami. Ni minsan hindi nila kami pinagdamutan ng mga pangangailangan namin. Kahit na mahuli na ang sa kanila.
Sapat.
Binigyan nila kami ng sapat na pangangailangan at sobrang pagmamahal. Dahil sa mga iyon at sa mga hirap na nakita kong pinagdaanan nila, hindi ko sila maaaring biguin.
May mga panahon, o madalas, na napang- uutang na nila iyong mga suweldo kahit hindi pa nila ito nakukuha para lang maibigay sa amin lahat ng kailangan namin. Kaya ang suweldo, pambayad utang. Tapos panibagong paikot na naman ng utang sa buwan.
Kaya masisisi mo ba kung ngayong kami ang nagpapahiram, ibinibigay namin ng walang interes? Kasi malinaw pa sa alaala ko kung paano kahirap ang mabuhay sa utang.
Noong college ako, madalas akong gumising nang maaga, mga alas- tres ng umaga, para maagang makapaligo, kasi maghihintay ako ng jeep na lalabas mula sa mga kapitbahay ko na pabiyaheng San Fernando, upang makisabay sa kanila. Kaya kadalasa alas- sais pa lang nasa eskuwela na ako.
Sabi nila sobrang sipag ko naman at maaga akong dumarating, para mag- aral. Pero hindi nila alam, maaga ako dahil naki- angkas ako, hindi dahil wala akong pamasahe kung hindi dahil gusto ko rin makatulong sa mga magulang ko sa sarili kong paraan.
Kaya masisisi niyo ba ako kung ngayon isinasabay ko ang mga estudyante kung madaanan ko man sila, kasi hndi ko nakalimutan kung gaano kahalaga ang bawat “bayad po” na ibinibigay ko sa drayber ng jeep.
Dahil nakakatipid ako, pagdating ng biyernes ay madalas na hindi ko na tinatanggap ang baon na iniaabot sa akin ng mga magulang ko. O kung hindi man, hindi na ako naghihingi ng pambayad sa mga dagdag na gastusin sa eskwela.
Kay masisisi niyo ba ako kung bakit kung magbigay ako sa mga kapatid ko ay laging sobra, kasi hindi ko nakalimutan kung gaano kahirap ang magtipid dahil sa gusto mong makatulong sa mga magulang mo.
Naaalala ko pa noong ang pag- SSM ay isang pasyal sa amin, na hinihintay namin tuwing may sobra sa sweldo o araw ng 13th month ng mga magulang ko. Nandoon kami para mamili ng mga damit pamasko. Pero naaalala ko rin kung paano silipin ng mga magulang ko ang bawat tag upang tingnan ang presyo ng bawat isa, hindi lang sa damit kung hindi maging sa grocery. Minsan ay i- cacalculator pa para masiguro lang na hindi sobra ang pinamili. Minsan hanggang sa punto na hindi na muna sila bibili ng sa kanila, at sa palengke na lang hahanap ng maisusuot.
Kung hindi man bumili sa palengke ay hihintayin na lang ang mga ibibigay na damit ng mga kapatid nila. Bagamat maayos naman, batid kong pinagluman din, pero masaya pa rin at nabigyan ng “bagong” maisusuot sa pasko.
Kaya naalala ko pa ang sinabi ko noon sa Mama ko noong namimili kami, ipinangako ko na darating ang araw hindi na niya kailangan silipin ang bawat tag price ng mga bibilhin nila ng Papa ko, makakapamili na sila ng walang pag- aalala na baka sumobra ang makuha nila.
Kaya masisisi niyo ba ako kung tuparin ko ang pangakong iyon.
Masaya rin ako kapag malapit na ang pasko at mabibigyan ako nga “bagong” sapatos, galing sa pamangkin ng asawa ng Tito ko. Bago sa paningin ko. Konting laba lang maayos na. Hind ko rin makalimutan iyong polo na kulay orange ng Lee Pipes na gustong- gusto ko noon pero hindi ko pinabili kasi alam ko na mahal, Php 800.00, mahal iyon para sa amin noon.
May pagkakataon rin na may bagong sapatos rin akong maisusuot, dahil nakap- cash advance ang mga magulang ko at mapilit sila na bumili ako. Kaya masaya ako noon nakabili ako ng Nike na sapatos na hindi Beachwalk o Boardwalk ang tatak kung hindi tatak Sidewalk, mga class A n mabibili sa palengke.
Kaya masisisi mo ba ako kung mamili ako ngayon ay parang sabik na sabik sa pamimili? Dahil oo, nasasabik pa rin ako sa pribilehiyong ito.
Dati ang panonood ng sine ay parang field trip na sa amin. Noong highschool ako nakakapanood ako ng sine kung may excursion ang klase, natatandaan ko pa ang Princess Sarah na ka double ang Batang X. Pati na si Mother Teresa na dokumentaryo yata iyon. Minsan rin magbabayad akmi ng Php 5.00 para makapanood ng pelikula ang klase, Titanic pa yata ang palabas noon.
Kaya hindi ko makakalimutan ang unang panonood namin ng sine na magkakasama ang buong pamilya. Napaka- espesyal noon. Kaya ang paborito kong palabas ay SPIDERMAN part 1. Oo. Inabot ng ganoon katagal bago kami nakapanood ng sine na kaming lahat.
Kaya masisisi niyo ba ako kung lagi akong nasa sinehan. Na kung may magandang palabas ay yayayain ko kaagad ang buong pamilya para manood. O kung hindi man madalas nasa sinehan lang ako, kahit ako lang mag- isa, dahil nagpapaalala sa akin iyo, na ang bagay na ito ay dating luho na para sa inyo.
Madalas rin akong tanungin kung bakit wala akong masyadong kaibagan o kababata. Ikaw ba naman ang magpalipat- lipat sa labindalawang bahay sa loob ng kalahati ng buhay mo. Paano ka magkakaroon ng pangmatagalang kaibigan.
Bakit ganoon?
Kasi nangungupahan lang kami noon. Kaya napakagaling nga naman ng Diyos at tinulungan niya akong maging inhinyero, tagagawa ng mga bahay kahit noon ay kami mismo nangungupahan lang.
Kaya masisisi mo ba ako kung lubos lubos ang pagsisikap ko para pagandahin ang bahay namin. Oo nasa ressetlement nga ito, pero bahay pa rin namin ito.
Kaya ngayong bumibili na ako ng lupa sa subdivision ay lubos ang galak ko. Maibibigay ko na ang magandang bahay na ipinangako ko sa mga magulang ko.
Oo nga pala.
Ano nga palang sapataos ang susuotin ko?
Mas madali naman sigurong tanong iyan?
Kaysa sa mga pinagdaanan namin.
Noong Sand Beach pa ang tsinelas ko.
Tags:IReallyCan